Ni: Jenny C. Riozal
Umarangkada at hindi napigil ng pandemyang patuloy na kinahaharap ng bansa ang pagsasagawa ng taunang Division Press Conference and Contest na may layuning panatilihin ang kamalayang panlipunan at kasanayan ng mga batang mamamahayag sa bawat paaralan sa dibisyon ng Pasay. Sa taong ito ay tinawag na “e-Sulat mo: 2021 Pasay City Schools Press Conference and Contests” ang naturang gawain na nagsimula noong Hunyo 29, 2021 at nagtapos noong Hulyo 2, 2021 na pinangunahan ni Dr. Librado F. Torres, Chief Education Program Supervisor sa tulong ng EPS’s ng Ingles at Filipino.
Bilang bahagi ng pag-iingat sa kalagayang pangkalusugan ng mga mag-aaral, guro at tagapamahala ay birtwal na isinagawa ang nasabing gawain at sa taong ito ay nilimitahan lamang ang mga kategoryang naging bahagi ng patimpalak at ito ay ang mga sumusunod; Pagsulat ng Editoryal, Pagsulat ng Lathalain at Paglalarawang Tudling.
Sa pagtatapos ng patimpalak ay pinarangalan ang limang mag-aaral ng Pasay City East High School at ito ay sina; Ashley Mae Lacatango ikalawang pwesto para sa pagsulat ng Editoryal sa pagsasanay ni Gng. Claren D.O Rodolfo, Hans Marcus Lobigas ikalimang pwesto para sa Paglalarawang Tudling sa pagsasanay ni Bb. Ruby Jhayve C. Rodanilla, Heriel Jane Castro ikalimang pwesto para sa pagsulat ng Editroryal (Ingles), Margarita Jaice M. Trinidad ikalawang pwesto para sa pagsulat ng lathalain (Ingles), at Joshua M. Elardo ikatlong pwesto para sa Paglalarawang Tudling (Ingles) sa pagsasanay ni Gng. Helen Dimafelix.
Pagbati sa mga mamamahayag at tagapagsanay ng Silangan na patuloy na nagsisikhay sa gitna ng kawalan ng katiyakan sa panahong tila pati ang sinag sa karimlan ay naglalaho na.



