Menu
Philippine Standard Time:

Ni: Claren D.O. Rodolfo

Pagod ka na ba?

Nahihirapan?

O nais ng sumuko sa dami ng gawaing kailangang gawin at ipasa?

Filipino, English, Math, Science, A.P, TLE, ESP at MAPEH. Walong asignatura, walong Performance Task, tig-aapat sa isang markahan.

Oh! Ang dami hindi ba?

Pero teka’ lang! Tumayo’t bumangon, pagkat Dibisyon ng Pasay ay may agarang solusyon.

                Alinsunod sa DEPED Memorandum OUCI-2020-307 o ang pagsusulong ng tinatawag na “Academic Ease” ay naglabas ng isang kagamitan o Assessment Tool ang Dibisyon ng Pasay na makatutulong sa bawat mag-aaral at guro na maibsan ang kanilang mga gawain. Ang nasabing kasangkapan ay tinatawag na “Unified Performance Assessment Tool” o mas kilala sa tawag na UNIPEAT.

Ano nga ba ang UNIPEAT?

Ang UNIPEAT ay integrasyon ng iba’t ibang aralin mula sa iba’t ibang asignatura na mayroong magkakaugnay na kasanayan nang mapagaan ang Kasanayang Pagkatuto ng mga mag-aaral. Halimbawa, kung ang walong asignatura ay mayroong ipagagawa na Performance Task at ang mga Kasanayang Pagkatuto ng bawat asignatura ay magkakaugnay, maaring magkaroon ng integrasyon ang bawat isa at dito makabubuo ng isahang gawain na siyang kailangan gawin at ipasa  para na sa walong asignatura. Samakatuwid, mapagagaan at mababawasan nito ang mga gawain ng mga mag-aaral.

Ang salitang UNIPEAT ay binuo sa pangunguna ng ating Chief Curriculum Implementation Division na si G. Librado F. Torres, kaagapay at kasama ang mga butihing supervisor ng iba’t ibang asignatura ng Dibisyon ng Pasay. Hindi rin matatawaran ang aktibong pakikibahagi ng lahat ng mga puno ng kagawaran at maging ang mga gurong manunulat sa nasabing dibisyon.

Sa ngayon, tayo ay nasa kalagitnaan ng pakikipagdigma sa hinaharap nating pandemya. Marami ang nahihirapan at nakararanas ng stress kabilang na ang mga mag-aaral. Daing nila ang napakaraming gawaing dapat maipasa. Sa UNIPEAT, malaki ang maitutulong ng kasangkapang ito sa pagpapagaan ng pag-aaral ng lahat ng mag-aaral. May pagkakataon na ang isang output o gawain ay para na sa lahat ng asignatura. Hindi na mahihirapan pa ang ating mga estudyante. Maiibsan din nito ang depresyong nararanasan at nararamdaman ng ating mga mag-aaral.

Kaya sa panahong ito, masasabing “Fit na Fit ang UNIPEAT!”.