Ni: Maribeth F. Aranton
Muling ipinagdiwang ng Pasay City East High ang Buwan ng Wikang Pambansa ngayong 2021. Isinagawa ito sa pamamagitan ng Facebook Live na pinanood ng mga mag-aaral , magulang at guro ng PCEHS. Sa pagdiriwang nito itinakda ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang temang ”Filipino at mga Katutubong Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino” na naglalayon na itanghal ang pagpupunyagi sa kasaysayan ng bansa at mga wika. Ang pagdiriwang ay alinsunod sa itinakda ng Proklamasyon Bilang 1041, taong 1997, na nagpapahayag ng taunang Buwan ng Wikang Pambasa tuwing Agosto 1-31.
Kasabay sa pagdiriwang nito ang mga patimpalak na nilahukan ng mga mag-aaral sa PCEHS mula ikapito hanggang ikasampung baitang. Nagkaroon ng Patimpalak sa Karakterisasyon ng mga Obra , Pagguhit ng Poster, Spoken Poetry, Tiktokatutubo at Harana ng Tahanan. Dito ipinakita ng mga mag-aaral ang kanilang mga talento kahit pa sila ay nasa kanilang mga tahanan ngayong panahon ng pandemya. Nagkaroon din ng pagkakataong makapagbahagi ang mga piling guro ng Filipino ukol sa kanilang pagtuturo sa pangunguna ng Puno ng Kagawaran ng Filipino ng PCEHS na si G. Bello T. Camacho.
Tunay ngang hindi matatawaran ang angking talento ng batang Pasay lalo na sa mga nagwagi dahil sa ipinakita nilang kakayahan sa mga nabanggit na gawain. Pinarangalan ang mga mag-aral na lumahok at nagsipagwagi sa bawat patimpalak.
Sa gitna ng pandemya ay patuloy pa rin ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika gamit ang gadget at internet na nagsisilbing tulay upang magkaroon ng pagkakataong magkamustahan at makapagdiwang ng mahalagang pangyayari na bahagi sa buhay ng isang mag-aaral, guro at magulang saan mang dako ng Pilipinas– ang Buwan ng Wikang Pambansa.



